"Tatlong S" sa Pagtatapos ng RY 09-10

by DRR Izel Guatno

Sa mga kabiruan,ka-gimikan,ka-partner, kaibigan, at kapamilya kong Rotaractors ng District 3810,

Ngayon ang aking huling araw bilang inyong District Rotaract Representative. Noong nakaraang Sabado, naghanda ako ng isang simpleng mensahe ng pasasalamat para sa isang matagumpay na taon ng paglilingkod. Sa kasamaang palad, nakalimutan ko ang aking sasabihin sa sobrang pagkabigla sa sorpresang inihanda ng mga kasamahan ko sa Rotaract District Committee at ng mga Visionary Rotaract Presidents. Hindi rin nakatulong na tawa ng tawa aking kapatid habang pinapanood ang mga nagaganap sa entablado.

Kaya pagbigyan niyo sana ako sa pagbabahagi ng aking "Tatlong S" sa pagtatapos ng Rotary Year 2009-2010. Maaaring hindi na ito kasing ganda at pulido nang una kong inihandang mensahe, ngunit galing pa rin ito sa aking puso.

Una, gusto kong ibahagi ang taos-puso kong pasaSALAMAT sa inyo. Pinagkatiwalaan ninyo akong maglingkod bilang DRR kahit iilang taon pa lamang ako sa Rotaract. At ang nakakataba ng puso ay tinanggap niyo rin aking mga hamon para mas mapaunlad ang mga Rotaract Clubs sa ating distrito. Sa inyong tulong, nasimulan natin ang Rotaract District Handbook, nakagawa tayo ng mga malinaw na pamantayan para sa ebalwasyon ng mga Rotaract clubs, nadagdagan ang mga Rotaract clubs sa ating distrito, naisaayos natin ang sistema ng dokumentasyon, dumami ang mga clubs na nakilahok sa iba't ibang district events, at napaganda natin ang kalidad ng ating mga programa. Bukod pa rito, ipinagpapasalamat ko rin na marami na rin sa inyo ang handang maglingkod bilang Rotaract District Committee officers, at marahil, sa susunod, bilang District Rotaract Representative. Patunay lamang ito na umuunlad ang kakayahang maging lider nating mga Rotaractors. Naniniwala kasi ako na isang tanda ng matagumpay na organisasyon ay ang pagkakaroon n g mga mahuhusay na lider na maaring pagpilian upang maglingkod.

Pangalawa, nais kong sabihin na SALUDO ako sa inyong lahat. Puno ng pagsubok ang taong 2009-2010, mula sa mga problemang pang-kalikasan hanggang sa problemang pinansyal. Bunga nito, naging mahirap ang paghingi ng suporta para sa ating mga proyekto, at may mga kasama tayo na kinailangang magpaalam pansamantala para matulungan ang kani-kanilang pamilya. Pero kahit ganoon ang mga pangyayari, nagsumikap tayo. Tuloy pa rin sa pagbibigay saya, tuloy pa rin sa pakikisama, tuloy pa rin sa pagpapaunlad ng ating sarili at ng ating mga clubs, at tuloy pa rin sa paglilingkod sa kapwa. Hindi matatawaran ang panahon, talento, at yamang inilaan ninyo para sa Rotaract. Kaya naman, hindi lang kayo basta nakaraos, kundi nagningning sa galing ngayong taong ito. Marahil tama ang sabi-sabi na, "It is in our darkest moments that our light shines the brightest."

Pangatlo, dahil uso ang K-Pop, gusto kong sabihin na "SARANGHAMNIDA, Rotaractors!" Alam kong para akong isang makulit na girlfriend minsan sa pagpapaalala ng mga kinakailangan ninyong puntahang activity o gawin na requirements sa Rotaract. Minsan naman ay napakataas din ng aking expectations, lalo na sa mga Rotaract District Committee officers at mga Rotaract Presidents. Ang totoo, malaki ang tiwala ko sa inyong mga kakayahan, at nakikita ko ang inyong mga potensyal, kaya patuloy ko kayong hinihikayat at pinapaalalahanan . At sa patuloy nating pagsasama, marami akong natutunan sa inyo, mga aral na nagbago rin ng aking pananaw sa buhay. Bilang huling paglalambing, palagi sana kayong magtitiwala sa inyong sarili, at sa inyong samahan. May funds man o wala, makatanggap man kayo ng awards o hindi, pasalamatan man kayo o dedmahin, ang mahalaga, sama-sama at masaya kayong nakapaglilingkod. Maaaring di niyo namamalayan, pero may mga tao kayong nababago at mga buhay na napapasaya sa inyong mga ginagawa, g aano man kasimple.

Noong unang araw ng Hulyo ng nakaraang taon, hindi ko inakalang
magiging DRR ako. At ngayong araw ng pagtatapos ng aking paglilingkod bilang DRR, hindi ako makapaniwalang kasabay nito ang panunumpa ng bagong Pangulo ng ating bansa. Sa tingin ko, hudyat ito ng mga magagandang bagay na mangyayari sa ating bayan, na makakaimpluwensya sa ating mga gawain bilang Rotaractors. Kaya naman tiwala ako na ang mga susunod na Rotaract district officers, sa pangunguna ni DRRE Erwin Macam, at sa gabay ni District Rotaract Chairman-Elect Wilson Lei Yee, ay ipagpapatuloy at maaaring higitan pa ang mahusay na serbisyo na tatak nating District 3810 Rotaractors. Suportahan natin sila!

Muli, SALAMAT at SALUDO sa inyong lahat. SARANGHAMNIDA, D3810 Rotaractors!

Buong galak na naglilingkod,

Izel Marie B. Guatno
District Rotaract Representative
R. Y. 2009-2010
"The Future of Rotary is in Your Hands"